Ayon sa isang source sa National Bureau of Investigation (NBI) na tumangging magpakilala, hindi umano sapat ang "state of rebellion" na ipinatupad ni Pangulong Arroyo para magsagawa ng mga pagsalakay ng walang search warrant.
Matatandaan na pinangunahan pa nina DILG Sec. Joey Lina at NCRPO director Reynaldo Velasco ang raid sa bahay ni Enriquez noong Hulyo 27.
Nakuha mula dito ang milyong halaga ng mga mataas na kalibre ng armas, bala, communication equipments, mga dokumento at armbands ng Magdalo group.
Nabatid ng NBI na naibenta na ni Enriquez ang bahay sa isang Liezel Magpoc sa halagang P3.5 milyon. Sinabi naman ni Magpoc na hindi umano natuloy ang bentahan matapos na muling angkinin ni Enriquez ang bahay.
Sa kabila nito, legal naman ang isinagawang raid ng NBI sa bahay ni dating senior executive undersecretary Ramon Cardenas sa kanyang bahay sa Dasmariñas Village, Makati City noong Hulyo 28 dahil sa pagkakaroon nila ng search warrant. (Ulat ni Danilo Garcia)