Batay sa isinumiteng complaint affidavit ng PNP-CIDG na kinatawan ni DILG Sec. Joey Lina, mayroong mabigat na ebidensiya laban kay Honasan at mga kasama para sampahan ng kasong kudeta o paglabag sa Article 134-A ng Revised Penal Code.
Nanumpa na rin sa korte ang siyam na miyembro ng Philippine Guardians Brotherhood Inc. na gagamiting testigo laban kay Honasan.
Sinabi ni Lina na kabilang sa matitibay na ebidensiyang isinumite nila sa DOJ ay ang sinumpaang salaysay ni Major Perfecto Rajil Ancheta ng Communications Electronics and Information Systems Services (CEISS) ng AFP.
Sa kanyang testimonya, idinetalye ni Ancheta na naimbitahan siya sa isang pulong noong Hunyo 4 sa isang bahay sa San Juan na dinaluhan mismo ni Honasan.
Sa nasabing pulong aniya ay nagkaroon pa ng "blood compact" at tinalakay ang mga plan of action kaugnay ng isasagawang kudeta.
Binigyang diin umano dito ni Honasan na kung kinakailangan ay gagamit sila ng dahas upang makamit ang kanilang layunin.
Hindi naman direktang tinukoy ng tanggapan ni DOJ Undersec. Jose Calida ang intelligence report na nagbigay ng "special knife" na galing Japan si Honasan sa mga opisyal ng Magdalo upang siyang gamitin sa kanilang blood compact.
Aniya, ang mga dugo ng Magdalo ay pinatulo ng mga ito sa Philippine flag na pinagawa ng mga ito sa International Flag House na matatagpuan sa kahabaan ng Rizal Avenue.
Sinabi din ni Calida na mayroong ilang pulitiko na taga-Cebu ang nagbigay din ng tulong sa Magdalo matapos na madiskubre na nanggaling sa nasabing lalawigan ang mga first aids na nakita sa mga backpacks ng mga nagrebeldeng sundalo.
Gayunman, muling bubuo ng panel of prosecutors si Justice Sec. Simeon Datumanong upang siyang magdetermina kung mayroong matibay na ebidensiya para isulong sa mababang hukuman ang nasabing kaso.
Kasama rin sa mga kinasuhan sina Capt. Felix Turingan; ret. Col. Ernesto Makahiya; George Duldulao; Col. Lina Reyes; Col. Briones; Col. Lazo at ang 1,000 miyembro ng PGBI.(Ulat nina Grace dela Cruz at Angie dela Cruz)