Ang payong ito ay ipinaabot ng Cardinal sa Pangulo sa pamamagitan ni First Gentleman Mike Arroyo nang magsadya ito kamakalawa sa Archbishop Palace at magkausap ang dalawa sa Villa San Miguel sa Mandaluyong City.
"Please tell Gloria I insist that she runs," ani Cardinal Sin kay First Gentleman.
Sa pagpupulong nina Sin at Mike na tumagal ng 20 minuto, sinabi ng Cardinal na kailangang simulan na ng Pangulo ang pagbisita sa mga lalawigan.
"Tell Gloria to run. I insist that she runs," pahabol na wika ng Cardinal bago mamaalam ang First Gentleman.
Ang pag-uusap nina Sin at First Gentleman ay sinaksihan nina Phil. Ambassador to Laos Antonio Cabangon Chua, Benjie Ramos, executive assistant ni Chua, at photographer na si Bibo Benida, Fr. Arsi Sison, kura paroko ng Sta. Maria dela Estrada sa La Vista, Quezon City at Malacañang photographer Nonilon Reyes.
Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na pinasasalamatan ng Pangulo ang Cardinal sa payo nitong tumakbo siya sa halalan sa susunod na taon.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na patuloy ang kanyang paninindigan na hindi dapat makaabala sa kanyang gawain ang isyu ukol sa pulitika.
Sinabi ni Bunye na bagaman ang First Gentleman ang siyang pinagmulan ng balitang ito, hindi ito dapat na magsilbing basehan para sabihing nagbabago na nga ang desisyon ng presidente hinggil sa inihayag niya noong Disyembre 30 na hindi na siya tatakbo pa sa eleksyon.(Ulat ni Lilia Tolentino)