Ayon kay retired Col. Red Kapunan, executive vice president ng Guardians, napasabak si Honasan sa matitinding labanan sa mga rebeldeng Muslim sa Lebak, Cotabato noong dekada 70 kaya siya ay naparangalan ng Medal of Valor.
Idinagdag ni Kapunan na malapit din sa puso ng senador mula sa Bicol ang Mindanao at ito ay pinatunayan sa binalangkas nitong National Recovery Program (NRP) kung saan ipinanukala ni Honasan ang pagkakaroon ng multi-bilyong pisong mini-Marshall Plan upang matiyak ang tuluy-tuloy na kaunlaran at pag-angat ng kalidad ng pamumuhay ng mga residente sa panahong magtagumpay ang prosesong pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at MILF.
Sa pinakahuling survey ng FYI Research and Consulting Group mula Mayo 27-Hunyo 10, nilampaso ni Honasan ang iba pang vice presidentiables sa Region IX, X, XI at XII at nakakuha siya ng 40.7% net approval rating.
Maging sa masa o ang tinatawag na "Class E" ay nanguna si Honasan, pangalawa lamang si Sen. Loren Legarda.