Batay sa 3-pahinang en banc ng resolution ng SC, pinagbigyan nito ang kahilingan ni Judge Rica Lacson na dating Presiding Judge ng Sorsogon, Sorsogon Municipal Trial Court (MTC).
Si Lacson, 63, ay unang hinatulang ma-dismiss sa serbisyo ng SC noong Agosto 3, 1998 dahil sa mga kasong Gross Inefficiency, Falsification of Official Document at sa patuloy na pagtanggi nito na sagutin ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa loob ng tatlong taon.
Bukod sa pagkakatanggal sa serbisyo, binawi rin kay Lacson ang kanyang retirement benefits at iba pang pribilehiyo bukod pa sa pagbabawal dito na makapasok o muling makapaglingkod sa anumang sangay na pag-aari o kontrolado ng pamahalaan.
Gayunman, dahil sa problemang pinansyal ay umapela si Lacson noong Oktubre 30, 2002 sa SC at hiniling na ibalik ang kanyang binawing retirement benefits at iba pang pribilehiyo.
Iginiit ni Lacson na marapat na isaalang-alang ng SC ang kanyang 35 taong serbisyo sa hudikatura upang mapagbigyan ang kanyang kahilingan.
Kabilang sa mga ibinalik na benepisyo ng hukom ang salaping katumbas ng kanyang sick leave at vacation leave. (Ulat ni Grace A. dela Cruz)