Mass lay-off sa gobyerno tsismis lang

Pinabulaanan ng Malacañang na magpapatupad ito ng malawakang pagsibak sa mga empleyado ng gobyerno bilang bahagi ng pagresolba sa problema sa budget deficit.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na walang katotohanan ang nasabing ulat at hindi dapat paniwalaan ng publiko lalo na ng mga empleyado.

"Sa ating pagkakaalam ay walang malawakang pagtatanggal ng tao sa ating pamahalaan kung kaya ang mga nagtatrabaho ng maayos ay walang dapat na alalahanin. Huwag maniwala sa mga tsismis," paliwanang ni Bunye.

Ito ay matapos na ibunyag ni Senador Tessie Aquino-Oreta na aabot sa 50,000 government employees ang napipintong mawalan ng trabaho kaugnay ng mass lay-off na ipatutuapd upang maiwasan ang lumulobong budget deficit. Ani Oreta, nagsumite na ng draft ng Executive Order si Finance Secretary Jose Isidro Camacho sa Malacañang upang ipatupad ang mass lay-off sa mga empleyado ng gobyerno bilang pagsunod sa payo ng International Monetary Fund (IMF). (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments