Transport strike di tuloy

Hindi na itutuloy ng transport groups sa pangunguna ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang pag-aaklas upang maparalisa ang biyahe sa darating na Lunes sa pormal na pagbubukas ng klase ng mga mag-aaral.

Sinabi ni PISTON President Medardo Roda na tinatanggal na ng kanilang samahan ang tigil biyahe sa tuwing may nais hilingin sa pamahalaan dahilan sa ang maliliit na mamamayan lamang ang maaapektuhan ng naturang hakbang.

Unang iginiit ng PISTON sa pamahalaan na kanilang gagamitin ang mga kamay na bakal upang himukin ang oil companies na ma-roll back ang halaga ng gasolina mula sa orihinal nitong presyo noong Mayo 2002.

Isinantabi na rin ng PISTON ang kahilingan nitong itaas ang singil sa pasahe dahil sa ito ay dinidinig na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at inaasahang maipalalabas na rin ng nasabing ahensya ang desisyon hinggil dito. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments