Sa nakalap na ulat, nabatid na pinigilan din umanong magmisa at magkasal si Bacani noong Linggo.
Magmimisa sana si Bacani nitong nakaraang Linggo ng makatanggap ng tawag na huwag nang ituloy at pinagsabihan ring huwag makipag-usap sa media.
Pinapirma rin umano siya ng Papal Nuncio sa nakahandang resignation letter bilang obispo ng diocese ng Novaliches.
Nilinaw naman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na hindi pa rin apektado ang imahe ng Simbahang Katoliko sa lumabas na iskandalo. Naniniwala ito na biktima lamang ng intriga at pang-aapi si Bacani.
Buo rin ang suporta ni El Shaddai leader Bro. Mike Velarde. Sinabi ni Velarde na nananatiling matibay ang paniwala at suporta ng buong samahan ng El Shaddai na walang kasalanan si Bacani at nagsasabi ito ng totoo.
Sinabi naman kahapon ni Presidente Arroyo na ipinauubaya niya sa pinakamataas na pamunuan ng Roman Catholic Church sa Vatican sa pamumuno ni Pope John Paul II ang kapalaran ni Bacani na nahaharap sa kasong sexual harassment.
Ayon sa Pangulo, ang akusasyon ay kasalukuyang iniimbestigahan ng Vatican kaya makabubuting hintayin na lang ang resulta ng imbestigasyon.
Ang panawagang ito ay ginawa ng Pangulo sa harap ng mga espekulasyon na mayroong motibong pulitikal ang bintang kay Bacani dahil ang obispo ay spiritual adviser ng El Shaddai na kapanalig ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Nagkaroon din ng ibang kulay ang isyu matapos malathala na hindi matagpuan si Carolyn, ang dating sekretarya ni Bacani na nagharap ng naturang kaso.
Si Bacani ay umalis ng bansa kamakalawa para sa tatlong linggong bakasyon sa Kansas, USA para bisitahin ang ina at magpatingin sa sakit niyang diabetes.
"Let us give Bishop Bacani a time for peace with his mother. And let us give his accuser the opportunity to substantiate her allegations. This is no time for speculations," anang Pangulo.
Hanggat hindi nailalabas ang resulta ng imbestigasyon ng Vatican ay dapat itigil mua ang walang basehang paghuhusga.
Samantala, nilinaw naman ng Gabriela na wala sa kanilang pangangalaga ang napaulat na nawawalang si Carolyn.
Ayon kay Emmi de Jesus, deputy secretary general ng Gabriela, walang kinalaman ang kanilang organisasyon sa pagsasampa ng pormal na reklamo laban kay Bacani.
Ang ina anya ni Carolyn ang tumawag sa Gabriela noong huling linggo ng Marso at humingi ng tulong sa kanila.(Ulat nina Lilia Tolentino at Jhay Mejias)