Ayon kay Lt. Col. Daniel Lucero, Hepe ng Armed Forces of the Phils.-Public Information Office na kasalukuyan pa nilang iniimbestigahan kung totoo ang napabalitang sumapi na sa mga bandido ang nakalayang Sipadan hostage na si Rolland Ullah.
Base sa report, si Ullah ay nakatakas sa kamay ng ASG nitong nakalipas na Miyerkules at narekober kinabukasan ng mga sibilyan habang naglalakad sa Brgy. Taglibi, Patikul, Sulu matapos ang mahigit tatlong taong pagkakabihag.
Si Ullah kasama ang may 21 katao kabilang ang 18 Europeans na dinukot ng ASG sa Sipadan Beach Resort sa Sabah, Malaysia noong nakalipas na Abril 23, 2000 ay itinago sa Sulu. Karamihan sa mga hostages ay isa-isang ipinatubos ng malaking halaga ng ransom.
Ayon kay Lucero ang balitang sumapi na si Ullah sa grupo ng ASG na pinamumunuan ni Kumander Ghalib Andang alyas Kumander Robot ay nanggaling mismo sa bibig ng mga kasamahan nitong hostage na nakalaya.
Aniya wala nang gaanong matandaan si Ullah sa mga detalye hinggil sa kanyang pagkakabihag. Pinagsususpetsahan si Ullah na kasapi at kasabwat ng mga bandido dahil sa malaya umano itong nakagagalaw sa kampo ng ASG. (Ulat ni Joy Cantos)