Sistema ng PBA sa drug testing, mali

Ipinahayag kahapon ng dalawang eksperto sa larangan ng drug testing na mali ang sistemang ginamit ng Philippine Basketball Association (PBA) sa pagsasagawa ng mandatory drug test sa lahat ng manlalaro ng liga.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Senate committee on games at ng committee on public order and illegal drugs, sinabi ni Dr. Rene Yat, isang psychiatrist at dalubhasa sa addiction medicine, na mali ang sistemang ipinairal ng PBA, Department of Health (DOH) at PNP Crime Laboratory sa paghawak ng drug test sa players.

Unang-una, ang resulta ng drug test ay dapat umanong maging confidential at hindi dapat ito isinasapubliko ng PBA dahil ang mga inosenteng player ang masasagasaan nito.

Pangalawa, dapat umano’y kinonsulta muna ng PBA ang mga player na naging positive sa test upang alamin kung totoong gumagamit sila ng ipinagbabawal na gamot at kung may iba silang gamot na iniinom.

Aniya, maraming over the counter drugs at diet pills ang naglalaman ng substances na maaaring ika-positive ng isang player sa drug test.

Kinumpirma rin ni Dangerous Drugs Board (DDB) representative Dr. Bernard Regalado na hindi siyento porsyento ng isinagawang drug test sa player ay accurate dahil na rin sa iba’t-ibang human factor na maaaring nakadumi sa isinumiteng ihi ng mga player.

Inirekomenda din ni Dr. Regalado na upang masiguro ang accuracy ng drug test na ito ay dapat sumailalim ang mga players na naging positibo sa naunang mandatory at random test sa hair follicle test kung saan ay malalaman kung gumagamit nga sila ng droga kahit siyam na buwan na ang nakakaraan.

Nanindigan naman ang DOH at ang PNP crime lab sa accuracy ng isinagawa nilang test dahil ang ginamit nila sa confirmatory test ay ang GCMS.

Hinamon din ni DOH Usec. Antonio Lopez si Yat na pangalanan ang sinasabi nitong over the counter drugs subalit pinigilan siya nina Sen. Robert Barbers at Robert Jaworski dahil baka malaman pa umano ng publiko ang ibang gamot na maaaring gamitin sa kanilang pagtira. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments