NFA stocks sa mga bodega pinababantayan

Iniutos ni National Food Authority Administrator Arthur Yap ang mas masusing pagbabantay sa kalidad ng imbak na bigas ng NFA at binalaan din niya ang mga field officials ng ahensiya laban sa kapabayaan at misclassifications ng stocks.

Ang utos ay nagmula sa pagkakatuklas sa 45,000 sako ng di umano’y misclassified na bigas at palay na nakaimbak sa bodega ng NFA sa Tuguegarao, Cagayan mula pa noong 2000.

Sinabi ni Yap na hindi niya papayagan ang ano mang anomalya ng mga NFA officials tulad ng misclassification ng stocks at paglalabas ng bagong stocks sa mga piling retailers habang napapabayaan ang mga old stocks sa mga bodega.

Inatasan ni Yap si NFA senior deputy administrator Jaime Asuncion na imbestigahan ang insidente sa Tuguegarao at habulin ang mga opisyal na mapapatunayang responsable sa pagkakaimbak ng bigas nang ganoon katagal.

Pangungunahan din ni Asuncion ang pag-iinspeksiyon ng mga bodega ng NFA sa buong bansa upang suriin ang kalidad ng mga rice stocks.

Tatatakan rin ng "Guaranteed Quality Seal" ang mga sako ng bigas na ilalabas mula sa mga bodega ng NFA. Bahagi rin ng programang ito ang "no sweepings" policy at ang pagpapanatili ng kalinisan sa mga bodega ng NFA. Ang mga sweepings ay mula sa mga natapong bigas na nahaluan ng mga foreign matter dahil sa pagpapabaya ng mga bodega. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments