GMA nagtaray sa isyu ng 2004

Muling na-bad trip si Pangulong Arroyo sa media kaugnay ng pagbuhay sa isyu ng pagtakbo nito sa 2004 presidential elections at iginiit na hindi dapat haluan ng pulitika ang kanyang state visit.

Sa teleconference sa Waldorf Hotel, hindi napigilan ng Pangulo ang magtaray nang ito ay tanungin ng media kung nagbago na ba ang desisyon nitong hindi tatakbo sa 2004.

"I want to define the agenda of this press conference. If about the games of the state visit, its not about politics. I did not sacrifice my political ambition just to accomodate all your curiosity about politics," anang Pangulo.

Sinermunan ng Pangulo ang media dahil pinalalaki at pinagtutuunan ng pansin ang isyu ng halalan.

Iginiit ng Pangulo na ang kanyang pansin ay nakatuon sa natitirang 14 na buwan sa kanyang termino gayundin ang mga dapat nitong gawin para sa interes ng bansa.

Ayon sa Pangulo, hindi raw magbabago ang kanyang desisyon na huwag sumabak sa 2004 pres’l elections.

Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng pag-udyok ni US Pres. George Bush na tumakbo sa 2004 si Pangulong Arroyo upang masiguro na maipagpapatuloy ng Amerika ang kampanya nito laban sa terorismo.

Sinabi ni Presidential Adviser on Overseas Filipino Communities Heherson Alvarez na hinihingi ng mga opisyal ng US State Department ang pinal na planong pulitikal ni Pangulong Arroyo dahil nais makatiyak ang Bush Administration sa ayudang ipagkakaloob ng US sa Pilipinas.

Sinabi pa ni Alvarez na hindi lang ang mga US officials ang nagnanais na muling kumandidato ang Pangulo kundi maging ang libu-libong Fil-Americans sa US na lalahok sa botohan sa 2004 sa ilalim ng Absentee Voting Law. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments