Erap hindi na sanay magsapatos

Pagkaraan ng dalawang taong pagkakakulong sa Veterans Memorial Medical Center, hindi na sapatos kundi tsinelas ang paboritong gamitin ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Sa panayam sa dating presidente na nagdiwang ng kanyang ika-66 taong kaarawan kahapon, inamin nito na sinubukan niyang magsuot ng sapatos kahapon sa selebrasyon ng kanyang birthday pero hindi pa nagtatagal na nakasuot ang itim na balat na sapatos ay nagpalit na siya ng tsinelas.

"Sumasakit ang paa ko. Hindi na ako sanay magsapatos, siguro sa tagal ko nang nakakulong dito," tumatawang pahayag ng dating pangulo.

Ayon kay Estrada, mas maginhawa para sa kanya kung nakalitaw ang mga daliri niya sa paa.

Bukod sa nakakasingaw, maginhawang nakakapagpahinga ang kanyang mga paa.

Halatang pinaghandaan ng dating pangulo ang okasyon dahil bagong gupit ang kanyang buhok at mamula-mula ang kanyang pisngi na tila nagpa-skin peeling.

Nakasuot siya ng pulang polo shirt at kulay abo na pantalon. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments