Arestado sina Norodin Odin, 23; Bencer Welao, 19; Jeffrey Maragiar, 19 at Berna Edres, 20 na pawang tubong Maguindanao at residente ng Cantillion st., Malabo, Bgy. Maysan, Valenzuela City. Hindi na nagawa pang manlaban ng mga suspek matapos na mapaikutan ng pulisya ang hideout ng mga ito.
Base sa ulat, dakong alas-7 ng gabi nitong nakaraang Abril 9 ay naglalakad ang dalawang biktimang sina Johaira Tucalo, 25, ng Dasmariñas, Cavite at Norfia Salic, 23, kapwa negosyante ng alahas sa kahabaan ng Roxas blvd. Parañaque City ng biglang lapitan ng limang armadong suspek.
Dalawa sa mga suspek, isa ay babae na pawang naka-uniporme ng pulis ang tumutok ng baril sa mga biktima at puwersahang isinakay sa isang taxi habang sumakay naman sa hiwalay na sasakyan ang mga kasama nito na nagsilbing lookout.
Dinala ang mga biktima sa Cantillon st., Sitio Malabo, Bgy. Maysan at dito nananghingi ang mga suspek ng halagang P70,000 ransom, subalit nagmakaawa ang mga biktima na ibaba ito sa P50,000.
Naalarma naman ang mga residente sa presensiya ng mga suspek sa naturang lugar dahilan para isa sa mga ito ang tumawag sa police hotline 117.
Mabilis na nagsagawa ng surveillance ang grupo ni Valenzuela police chief Supt. Jose Marcelo. Bandang alas-6 ng umaga nitong Linggo ay nilusob ng Northern Police District (NPD) rescue team sa pamumuno ni Insp. Salvador dela Cruz ang kuta ng mga suspek at nasukol ang apat.
Nabawi ng pulisya ang dalawang biktima na umanoy nagawa pang molestiyahin ng mga suspek.
Kasalukuyan pang tinutugis ang lider ng grupo na iniulat na nagtatago sa isang lugar sa Quezon City. (Ulat ni Rose Tamayo)