Dakong alas-2 ng madaling araw, nagulantang ang natutulog na mga residente ng hagisan ng dalawang granada ang mosque sa Tibungco ng limang di pa nakilalang kalalakihan na lulan ng isang kotse saka nagpaputok ng M-16 rifle. Labing-apat katao ang nasugatan dito.
Ilang minuto pa, isang home-made bomb ang sumambulat sa isang mosque sa Bgy. Toril na inihagis naman ng isang lalaking nakasuot ng itim na jacket. Walang iniulat na nasaktan sa ikalawang insidenteng ito.
Kasunod nito, niyanig naman ng malakas na pagsabog ang isang mosque sa Roxas Boulevard na ikinasugat ng 14 Muslim scholars. Wasak ang mga bintana at lubhang napinsala ang tatlong mosque.
Bineberipika pa ng mga awtoridad ang mga pangalan ng mga nasugatang biktima.
Ayaw namang patulan ni AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Rodolfo Garcia na bahagi umano ng paghihiganti ng mga Kristiyano sa mga Muslim ang nangyaring pambobomba sa tatlong mosque matapos na umabot na sa sukdulan ang galit ng mga kinauukulan dahilan sa nangyaring pagpapasabog sa Sasa Wharf ng lungsod kamakalawa ng gabi na hinihinalang kagagawan ng mga teroristang Muslim.
Sa naturang insidente, gumamit ang mga salarin ng potassium nitrate na may kasamang shrapnel kaya marami ang namatay. Ang bomba ay isinilid sa karton saka inilagay sa isang plastic bag.
Wala pa ring suspek dito at maingat rin ang awtoridad na ibunton sa MILF ang sisi habang patuloy ang isinasagawang paghihigpit ng seguridad partikular sa mga pampublikong sasakyan.
Ang pinakabagong insidente ay naganap sa kabila ng ipinatutupad na red alert ng militar at pulisya sa lungsod bunga ng nangyaring pambobomba sa waiting shed ng Davao City airport noong nakalipas na Marso 4 na ikinasawi ng 22 katao.
Bumisita ang Pangulo sa lugar na pinangyarihan ng insidente kasama ang mga miyembro ng Gabinete para mag-alay ng bulaklak at panalangin sa mga nasawing biktima.
Dinalaw din niya ang mga sugatan sa San Pedro Hospital, Davao Doctors Hospital at Davao Medical Center.
Wala pang desisyon ang Malacañang kung dapat magdeklara ng martial law sa Davao City at iba pang magulong lugar sa Mindanao na hinihingi ng mga local na opisyal at residente. (Ulat nina Joy Cantos at Lilia Tolentino)