Embahada ng 'Pinas sa Kuwait nakaalerto

Nasa highest alert ngayon ang Embahada ng Pilipinas sa Kuwait matapos ang pagpapaulan ng missile ng Iraq sa isang commercial center sa nasabing bansa noong Sabado ng umaga.

Agad na nagtungo ang Middle East Preparedness Team (MEPT) sa pamumuno ni special envoy Ret. Gen. Roy Cimatu sa Kuwait upang tulungan ang may 150 Pilipino na empleado ng isang commercial center na kinabagsakan ng isang missile mula sa Basra, Iraq.

Ayon kay Phil. Ambassador Bayani Mangibin ng Embahada ng Pilipinas sa Kuwait, nasa ligtas namang kalagayan ang mga Pilipinong empleado matapos ang pagpapakalawa ng Iraqi troops ng missile na hindi na-detect ng radar sanhi ng pagkawasak ng malaking bahagi ng mall.

May isang Iraqi ang nasugatan subalit walang Pilipino ang iniulat na nasaktan sa insidente.

Dahil dito, dobleng pag-iingat ang isinasagawa ngayon ng mga embassy officials kasabay ng pakikipag-koordinasyon sa Kuwait at Saudi Arabia authorities upang isiguro ang kaligtasan ng may 60,000 Pilipino sa Kuwait. Umaabot na rin sa 400 Pilipino ang nasa relocation site sa Bahay Pinoy sa Nuwaysib malapit sa Kuwait border.

Naglagay na ng isang assistance center ang Phil. Embassy sa Saudi Arabia sa Al Khafji City, may 10 kilometro ang layo sa Kuwait border upang matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino na tatawid sa border ng Saudi. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments