Ayon sa Central Command, ang 100 paramilitary fighters ng Iraq ay napatay ng US 82nd Air Borne Brigade at Marine Commandos na nakakalat sa Shiite, Holy City ng Najaf kasunod ng pagkaaresto ng may mahigit sa 100 miyembro ng Iraqi Republican Guard.
Sa report, may 15 Iraqi troops rin ang napatay sa Euphrates at nakubkob ng US troops ang bayan ng Afak, Hajil at Budayr sa rehiyon kasabay ng pinakamatinding air strikes sa Baghdad.
Isang Iraqi general at isang senior officer ang naaresto ng US troops sa pakikipagsagupaan sa katimugang bahagi ng Basra.
Sunud-sunod na binomba ng US war planes at long-range bombers ng Tomahawk missile ang presidential palace na tirahan ng anak ni Pres. Hussein na si Qusay, headquarters ng Republican Guard, Information Ministry building, press center at communication centers at facilities sa Baghdad. Sinundan din ng matinding pagpapakawala ng bomba ng B-1, B-2 at B-52 bombers ang Baghdad na nagresulta ng matinding sunog na tumagal sa 30 minuto.
Kaugnay nito, sinabi ng Pentagon na kumikilos na patungo sa Euphrates Valley sa Najaf ang may 20,000 miyembro ng 3rd Infantry Division na magsisilbing suporta sa 7th Cavalry at US Marine Commandos na nakaposisyon, may ilang kilometro ang layo sa Baghdad. Matapos ang ilang araw ay agad na susunod ang karagdagang 5,000 sundalong Kano.
Sinabi ni US Commander General Tommy Franks na ilang linggo lamang ay bubuhos na ang 120,000 US troops sa Iraq at sasamahan ang naunang 90,000 sundalo sa paligid ng Baghdad.
Nakadiskubre kahapon ang US forces na nasa katimugang bahagi ng Basra ng nuclear, biological at chemical weapons gear. Nakakumpiska rin ang US forces ng mga nakaimbak na ibat ibang uri ng baril at may 150,000 bala ng machine gun sa Basra. Nakakuha rin ng ibat ibang kagamitan gaya ng Geiger counter, nerve gas simulators at chemicals sa isang gusali doon.
Samantala, sinabi ni Iraqi Dep. Prime Minister Tariq Aziz na may 4,000 volunteers ang tutungong Baghdad at nakahandang magbuwis ng buhay para magsagawa ng suicide bombings laban sa US troops kasunod ng pagbibigay parangal kahapon ni Pres. Hussein sa isang sundalong suicide bomber na pumatay sa apat na Kano noong Sabado.(Ulat ni Ellen Fernando)