Sa House bill 5833 o "Deadly Driver Reduction Act 2003" na mag-aamyenda sa kasalukuyang batas, tataasan ang parusa sa sinumang nagmamaneho ng lasing o nasa ilalim ng impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot.
Sinabi ni Rep. Chungalao na ang pagmamaneho ng lasing o bangag sa droga ay maihahambing sa pagdadala ng hindi lisensiyadong baril.
Subalit, kadalasang hindi iniinda ng mga driver ang parusa dahil mababa lamang ang ipinapataw na parusa dito.
Sa ilalim ng panukala, ang mahuhuling driver na lasing ay makukulong ng 6 buwan-2 taon at pagbabayad ng P20,000 para sa unang paglabag. Pagkabilanggo ng 2 taon-4 taon, pagbabayad ng P40,000 at suspensiyon ng lisensiya sa loob ng isang taon sa ikalawang opensa, at kulong na mula 4 taon-6 taon, pagbabayad ng P80,000 at permanenteng suspensiyon ng lisensiya sa ikatlong paglabag.
Sakaling ang aksidente ay nagresulta sa physical injuries, ang parusa dito ay pagkakulong ng 6 taon-12 taon at pagbabayad ng mula P100,000 hanggang P200,000.
Niliwanag ni Chungalao na kung namatay naman ang naaksidente ng lasing na driver, papatawan ito ng pinakamabigat na parusang habambuhay na pagkabilanggo. Pagbabayarin din ito ng tig-P1,000,000 sa bawat taong nasawi dahil sa pagmamaneho ng lasing. (Ulat ni Malou Escudero)