Ang naturang batas ayon kay PISTON president Medardo Roda, ang siyang ugat ng kahirapan ng milyong mamamayan. Dahil sa Oil Deregulation Law, nagagawa umano ng Shell, Caltex at Petron na maitaas ang halaga ng krudo anumang oras na gustuhin.
Hindi rin umano sila naniniwala na maibaba ang halaga ng gasolina dahil hidden agenda lang umano ito ng naturang oil companies para mapalambot ang puso ng taumbayan subalit pagkaraan ng ilang araw muli na naman silang magtataas ng halaga ng gasolina.
Kaugnay nito, nagpahayag na rin ng kagustuhan ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Asso. of the Philippines (FEJODAP) na maitaas ang singil sa pasahe.
Kung nais ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ni Efren de Luna na P1.50 fare increase, mas nais ng FEJODAP ni Zeny Maranan na maitaas ng P2 ang minimum na pasahe sa jeep.
Gayunman, muling niliwanag ni Land Transportation Franchising Regulatory Board chairman Dante Lantin na sa gagawin nilang desisyon sa fare increase, hindi madedehado ang taumbayan. (Ulat ni Angie dela Cruz)