Ito ang tugon ni Reyes sa pahayag ni Lanao del Sur Rep. Faysah RPM Dumarpa na hindi magtatagumpay ang kampanya laban sa anumang may kinalaman sa Islam bilang relihiyon.
Una ritoy umalma si Dumarpa nang sabihin umano ni Reyes sa isang symposium-sponsored ng Bishops Businessmens Conference and Management Association of the Philippines na ilang madrasah, Muslim religious schools sa Mindanao, ang nagtuturo ng extremism sa mga kabataang Muslim.
Ayon sa lady solon, nagiging habit na ng militar at Defense officials na iugnay ang terorismo sa mga eskuwelahan at institusyong nagtataguyod ng pananampalatayang Islam, na mariing itinanggi naman ni Reyes.
Sinabi ni Reyes na ang pagtuturo ng extremism sa mga kabataang Muslim ng ilang mga madrasah sa Mindanao ay base sa intelligence report na nakalap at hindi personal na konklusyon lamang ng Defense department.
Iginiit ng kalihim, wala siyang masamang intensiyon sa kanyang mga ipinahayag bagkus ay in-update lang niya ang mga dumalo sa symposium hinggil sa tunay na mga kaganapan sa Mindanao.
Ang pagkakaroon anya ng kapayapaan at kaayusan sa Mindanao ang prayoridad pa rin ng pamahalaan kayat sinisikap nito na matuloy ang exploratory talks sa mga sesesyunistang Moro Islamic Liberation Front. (Ulat ni Danilo Garcia)