Sa pananaw ni Sen. Manuel Villar, masyado umanong minadali ng US ang giyera para sa kanilang personal na interes na ayon sa ilang sektor ay ibig umanong kontrolin ang langis sa Iraq dahil pangalawa ang nasabing bansa sa oil supplier sa buong mundo.
Hindi man lamang umano binigyan ng pagkakataon ng US ang UN na humirit ng dalawang buwan para magsagawa ng inspeksiyon ang security team nito hinggil sa sinasabing "weapons of mass destruction."
Marami umanong mawawasak sa giyera maliban sa buhay ng mga sundalo ng magkabilang panig at maging ng mga sibilyan maliban pa sa matinding epekto nito sa kalakalan at negosyo sa Gitnang Silangan.
Tahasan ring sinabi ni Villar na hindi umano siya sang-ayon sa hayagang pagsuporta ni Pangulong Arroyo sa giyera ng Amerika laban sa Iraq dahil posibleng maging target ang Pilipinas ng mga teroristang grupo na makikisimpatiya kay Iraqi Pres. Saddam Hussein. Hindi pa umano hinihiling ng gobyerno ng US na gamitin ang air space ng Pilipinas ay iniaalok na mismo ito ni Pangulong Arroyo kapalit ng konting benepisyo tulad ng military aid. (Ulat ni Joy Cantos)