Sa report ng Pentagon, naglagay na ng pulang linya ang mga Republican Guard units ni Hussein bilang kanilang tanda.
Ang red line na pinalibot sa Nasiriyah malapit sa Baghdad ang magsisilbing guide ng mga Iraqi troops kapag nagbigay na nang hudyat ang mga opisyales ng militar sa Iraq sa pagpapakawala ng chemical weapons.
Nabatid na kapag lumampas sa nasabing linya ang mga tropa ng Amerika at Britanya na nagpupumilit na makalapit sa Baghdad ay saka sila pauulanan ng chemical weapons.
Kahapon ay isang madugong engkuwentro ang naganap sa pagitan ng US troops at Republican Guard sa Nasiriyah sa pagpapatuloy ng kanilang ground assault.
Iniulat na nahirapan ang US forces na tuluy-tuloy na makalapit sa Baghdad dahil sa umaatikabong sagupaan dahilan para muling maantala ang kanilang paglalakbay matapos na pigilin sila ng mga Republican Guard na makalapit sa target.
Iniulat na 39 US Marines na ang napatay habang nasa 20 ang nawawala.
May 15 naman ang sugatan sa tropa ng US allied forces.
Patuloy ang pagpapakawala ng Tomahawk cruise missiles sa Baghdad habang kasagsagan ng sagupaan.
Kaugnay nito, humingi na ng kaukulang $75 bilyon sa US Congress si US President Bush para sa pagpopondo sa US Department of Defense para sa nagaganap na digmaan. Sa naturang pondo ay may inilaan para sa tulong pinansiyal sa Afghanistan at Israel na may kaugnayan sa nagaganap na digmaan.
Samantala, nakatakda nang tumungo sa Iraq ang grupo ng mga humanitarian aid mula sa US upang sumaklolo sa mga nasugatang sibilyan doon.
Inihayag na nahihirapan ngayon ang mga mamamayan sa Basra na umaabot sa 2 milyong populasyon dahil sa kakapusan ng tubig na maiinom matapos magsara ang mga pangunahing pinagkukunan ng tubig.
Kapos na rin sa gamot ang mga ospital sa Baghdad at karamihan sa kanila ay may mga sakit na. (Ulat ni Ellen Fernando)