Nagsagawa ng search and rescue operations ang tropa ng US at Britanya upang marekober ang nasabing aircraft at mga crew nito na pinaniniwalang pawang mga patay na.
Sinabi ni Capt. Al Lockwood, spokesman ng British forces sa Gulpo na ang naturang aircraft ay posibleng bumagsak sa Kuwait matapos na tamaan ng missile mula sa isang friendly fire.
"One of our aircraft recovering from operations over Kuwait, evidence is beginning to come to light that suggests it was engaged by US Patriot missile battery," ani Lockwood.
Sinabi ng Britains Ministry of Defense na isang trahedya ang naganap at kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon dito.
"This is a tragedy and we are taking rapid steps to ensure there is no repetition," dagdag ni Lockwood.
Kapuna-puna na sa unang araw ng pag-atake sa Iraq, isang British Marine CH46E Sea Knight Transport helicopter ang bumagsak dahil umano sa mechanical trouble sanhi ng pagkasawi ng walong Briton at apat na US soldier. Isa pang trahedya ang kasunod na naganap matapos na magsalpukan ang dalawang British Sea King chopper sa Persian Gulf na nagresulta ng pagkamatay ng anim na Briton at isang Amerikanong crew nito.
Samantala, sinabi ng Pentagon na malapit nang makubkob ng US-led coalition forces ang key strategic sa Umm Qasr sa Iraq matapos na makipagbakbakan sa Iraqi troops.
Sinabi ni US Defense Secretary Donald Humsfeld na kontrolado na ng puwersa ng Britanya at US ang Pantalan ng Umm Qasr at pitong oil fields dito matapos ang sagupaan kasunod ng pagsuko ng may 8,000 hukbong Iraqis kasabay ng pagsasagawa ng shock and awe campaign ng US forces sa Baghdad.
Pinabulaanan naman ito ni Iraqi Information Ministry Mohammed Saeed Al-Sahaf at inihayag nito na hindi pa nasakop ng US-British Marines troops ang Umm Qasr port at pitong oil fields dahil patuloy ang bakbakan doon.
"US-led forces are lying to the world about Umm Qasr," ani Al-Sahaf.
Aniya, umaabot na sa 77 Iraqis ang namatay at 366 sugatan dahil sa walang pakundangang pagpapaulan ng missile sa Basra. Unang itinala na may mahigit 200 sibilyan na karamihan ay mga bata ang nasugatan matapos ang sunud-sunod na pagpapaulan ng Tomahawk cruise missile sa Baghdad nang tumama ito sa kabahayan at hindi sa precision targets.
Sinabi pa na patuloy ang sagupaan sa pagitan ng 7th Cavalry at US 3rd Infantry Battalion sa mga Iraqi Republican Army troops sa Southern Iraq habang kumikilos ang naturang tropa bilang bahagi ng ground attack patungo sa Baghdad.
Iginiit ni Al-Sahaf na kontrolado pa rin nila ang mga oil fields at strategic points sa Umm Qasr na sinasabi niyang maliit lamang na siyudad ito sa Southern Iraq.
Nagupo rin aniya ng Iraqi troops ang US-British troops sa Southern Najaf matapos ang sagupaan.
Sa bandang huli aniya ay ang Iraq pa rin ang panalo sa digmaan at lalabas na kahiya-hiya ang kanilang kalaban, abangan lamang umano ito ng buong mundo.
Inihayag naman ni Iraqi Vice President Taha Yassin Ramadan na dapat nang umaksyon ang United Nations Security Council laban sa panggigiyera ng US sa kanilang bansa.
Tahasang lumabag aniya ang US sa international law matapos na karamihan sa mga miyembro ng UN Security Council ay kumontra sa giyera.
Binatikos din ni Ramadan ang pagpapaalis sa mga kasapi ng UN Arms and Inspectors sa Baghdad na noon ay nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga umanoy mapamuksang armas ni Iraqi Pres. Saddam Hussein na nagbunsod upang ituloy ng US ang planong giyera. (Ulat ng AP at ni Ellen Fernando)