Sinabi ni Angel Dimalanta, vice president ng AIWA, natatakot ang mga manggagawa sa assembly plant at auto parts manufacturing firm na mawawalan sila ng trabaho kapag naisabatas ang pagpapataw ng 15 percent excise tax sa mga AUV.
Wika pa ni Dimalanta, ang pagpapataw ng tax na ito sa locally assembled na AUVs ay mangangahulugan ng pagtaas ng presyo nito kaya ang magiging epekto sa sektor ng paggawa ay malawakang lay-off dahil sa mapipilitan ang mga assembly plants dito na magsara o magbawas ng tauhan sanhi ng mababang demands para sa kanilang produkto.
"Nagtataka kami kung bakit ang mga locally assembled na AUVs na ginagamit sa pamamasada tulad ng FX at Adventure ang nais patawan ng tax pero ang mga imported cars ay libre dito," wika ni Dimalanta.
Sinabi naman ni Sen. Ramon Magsaysay Jr. na ang panibagong tax na ito ay mangangahulugan lamang na ang AUV na dati ay nagkakahalaga ng P700,000 ay magiging P1 milyon na kaya sino pang mahirap ang makakabili nito.
Idinagdag pa ni Sen. Magsaysay, hindi ang paglikha ng panibagong tax ang sagot upang mapunan ang ating budget deficit kundi ang epektibong pangongolekta ng buwis sa mga mandaraya at tax evaders.
Kasalukuyang tinatalakay sa floor deliberations sa Senado ang excise tax na inisponsor ni Sen. Ralph Recto pero maraming mambabatas ang kontra dito tulad nina Senators Magsaysay at Tessie Aquino-Oreta. (Ulat ni Rudy Andal)