Ito ang sinabi kahapon ni Surigao del Norte Rep. Ace Barbers kaugnay sa patuloy pa ring kaguluhan sa Mindanao.
Ayon kay Barbers, hindi na dapat pang ipaggiitan ng Malacañang ang pagsusulong ng peace talks sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at iba pang nanggugulong grupo sa Mindanao.
Hindi na anya dapat suyuin ng pamahalaan ang mga grupong ayaw namang makipag-usap sa gobyerno.
Ang dapat anya ay ibigay ng pamahalaan ang giyerang nais ng grupong pinaniniwalaang responsable sa pagpapasabog sa Davao airport at iba pang pag-atake sa isla ng Mindanao.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Zamboanga City Rep. Celso Lobregat na dapat hanapin ng gobyerno kung nasaan ang assets ng MILF at iba pang grupong terorista sa bansa upang mai-freeze ito.
Sinabi ni Lobregat na may kapangyarihan na ang pamahalaan na i-freeze ang assets ng mga kaaway ng pamahalaan dahil isang ganap na batas na ang Anti-Money Laundering Act (AMLA).
Naniniwala si Lobregat na hindi magtatagumpay ang giyera ng pamahalaan laban sa mga teroristang grupo sa bansa kung patuloy naman itong makakatanggap ng tulong pinansiyal mula sa kanilang mga kakamping grupo sa labas ng bansa. (Ulat ni Malou Escudero)