Sa isinumiteng Senate bill 2495, hiniling ni Sen. Barbers na magbitiw sa kanilang posisyon ang sinumang senador sa sandaling isumite nito ang kanyang certificate of candidacy para tumakbong presidente o bise-presidente.
Sa kasalukuyan ay puwedeng hindi magbitiw ang sinumang senador na nagnanais tumakbo ng mas mataas na posisyon at makabalik sa kanyang posisyon kapag natalo.
Aniya, ang ibang nasa mid-term na mga senador na tumakbo bilang presidente o bise-presidente subalit hindi nagwagi ay puwedeng bumalik bilang senador upang tapusin ang kanyang termino sa ilalim ng umiiral na Omnibus Election Code.
Idinagdag pa ni Barbers, dahil dito ay nababakante ang kanyang posisyon sa Senado kung saan ay inihalal siya ng taumbayan subalit napabayaan dahil sa pagtakbo sa mas mataas na puwesto.
Kabilang sa maaapektuhan ng panukalang ito ni Barbers ay sina Senators Panfilo Lacson, Loren Legarda, Gringo Honasan, Aquilino Pimentel Jr., Juan Flavier at Senate President Franklin Drilon na pawang mga presidentiables at vice-presidentiables sa darating na 2004 elections. (Ulat ni Rudy Andal)