Ayon kay National Security Adviser Roilo Golez, itinalagang crisis manager sa Middle East, nagbigay na ng awtorisasyon ang Pangulo na simula bukas ay isara na ang Embahada ng Pilipinas sa Iraq.
Nabatid na apat na lamang ang nalalabing opisyal ng Embahada sa Baghdad at isa na rito si Ambassador Grace Escalante. Nakatakdang umalis doon ang mga opisyal patungong Jordan sa Pebrero 11.
Sinabi ni Golez na may 12 ang opisyal sa RP Embassy sa Iraq subalit nauna nang lumikas ang walo sa kanila patungo sa Jordan.
Hindi pa matiyak kung kailan aalis sa Baghdad ang mga Pilipinong nakatalaga sa United Nations Headquarters sa Iraq.
May posibilidad din aniya na umalis patungong Jordan ang mga Pilipinong nakapag-asawa ng mga Iraqis, subalit ito ay kasalukuyang pinag-uusapan pa lamang.
Inihayag ni Golez na wala pang pasabi ang Amerika sa pamahalaan kung kailan ang kanilang pag-atake sa Iraq o kung itutuloy ang giyera kahit walang suporta ang United Nations Security Council. Gayunman, nakatitiyak siya na may ibibigay ang US na confidential advance notice sa pag-atake nito sa Iraq.
Nakatakda pa lamang magpalabas ang UN Security Council ng resolusyon sa presentasyon ng ebidensyang isinumite ni US Secretary of State Colin Powell sa Pebrero 14 kung may basehan nga ang US sa pagsasabing nagtatago at gumagawa ng mga mass destruction weapons gaya ng biological, chemical at nuclear ang Iraq.
Magugunita na humingi ng ilang linggong palugit ang UN Arms and Inspectors upang makakuha ng sapat pang ebidensya laban sa Iraq.
Niliwanag ng NSC Adviser na kung maaga man ang pagpapasara sa RP Embassy sa Iraq, ito ay sa kadahilanang praktikal.
Bagaman hindi target ang Embahada sa Baghdad, ikinatuwiran ng opisyal na ang pagpapasara dito ay isang hakbang nang kaukulang pag-iingat dahil ang lokasyon nito ay sa loob ng kapitolyo ng Iraq. (Ulat ni Lilia Tolentino)