7 prosecutors kinasuhan ni JV

Sinampahan kahapon ni San Juan Mayor JV Ejercito ng apat na kasong kriminal at isang kasong administratibo ang pitong prosecutors ng Ombudsman kasabay ang paghamon sa mga ito na isama na siya sa kasong plunder na kinakaharap ng kanyang amang si dating Pangulong Estrada at kapatid na si Jinggoy.

Ang kaso ay may kaugnayan sa illegal umanong pagbulatlat ng Ombudsman sa mga bank accounts sa Export and Industry Bank na sinasabing ang laman nito ay napunta sa Jose Velarde account na pinaniniwalaang pag-aari ng dating pangulo.

Ang kasong isinampa ni JV ay paglabag sa Bank Deposit Secrecy Law, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, pagbunyag ng isang pampublikong opisyal sa sikreto ng isang pribadong indibidwal at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards.

Kabilang sa mga kinasuhan sina Prosecutors Dennis Villaignacio, Robert Kallos, Humphrey Monteroso, Antonio Manzano, Raymundo Olaguer, John Turalba at Alexander Padilla.

Naniniwala si Ejercito na umabuso ang Ombudsman sa pagbulatlat ng kanyang bank account at tinatakot pa umano ang mga opisyal ng bangko para lamang tumestigo pabor sa kanila.

Nakahanda umano siyang harapin ang anumang kaso dahil hindi naman umano sila titigilan ng mga ito hanggat hindi nakikita silang buong pamilya sa kulungan. (Ulat nina Malou Escudero/Joy Cantos)

Show comments