Base sa dalawang pahinang resolusyon ng SC en banc, sinibak sina Pasay City Regional Trial Court Judge Pedro de Leon Gutierrez, Pasig City RTC Judge Rodrigo Lorenzo at Manila RTC Judge Luis Arranz.
Ipinalit naman ng SC bilang special drug courts sina Pasay RTC branch 116 Judge Eleuterio Guerrero, Pasig RTC branch 151 Judge Franchito Diamante at Manila RTC branch 44 Judge Edelwin Pastoral.
Sinabi pa ng SC na ang lahat ng mga akusadong sangkot sa ipinagbabawal na gamot at hindi pa nababasahan ng sakdal ay ililipat kay Judge Guerrero, Diamante at Pastoral sa loob ng 30 araw.
Nilinaw ng Mataas na Hukuman na kahit anupamang dami o bigat ng makukumpiskang droga ay hindi ito maaaring dinggin ng tatlong hukom.
Samantala, itinalaga lamang si Judge Gutierrez bilang hukom na hahawak sa mga karumal-dumal na krimen.
Inatasan din ng Korte ang lahat ng mga executive judges sa Pasay City, Pasig at Manila na tiyaking magkakaroon ng parehas na distribusyon ng mga kaso matapos ang pagbabagong isinagawa ng SC.
Magugunita na binatikos si Judge Lorenzo dahil sa ginawa umano nitong pagpapalaya sa mga hinihinalang Chinese drug traffickers na sangkot sa isang shabu laboratory, habang si Arranz ay napaulat na tatlong ulit nawalan ng ebidensiyang shabu sa loob ng kanyang sala. (Ulat ni Gemma Amargo)