Ayon kay dating Quezon City Congressman at TESDA Director Dante Liban, ang matagumpay na pagkakabuwag sa nasabing multi-bilyong mafia na aktibong nag-ooperate sa bansa at sa Japan ay alinsunod sa mahigpit na direktiba ni Pangulong Arroyo na magsagawa ng reporma ang ahensiya o di kayay tuluyan ang mga itong magsipaglaho.
Sinabi naman ni TESDA operations chief ret. Brig. Gen. Nestor Castillo na ang proseso para maitama ang tiwaling sistema ay ang wasakin ang monopolyo ng naturang mafia mula sa testing centers at recruting agencies.
Karamihan umano sa mga nabibigyan ng certification bilang Overseas Performing Artists (OPAs) na patungong Japan ay humahantong sa prostitusyon.
Nabatid na ang sektor ng Overseas Placement Industry ng OPA ay kumikita ng P30 bilyon kada taon. Bawat talent umano ay lumalagda ng kontrata sa mga club na pinagtatrabahuhan ng mga ito sa Japan ng $1,900 subalit $400 lamang ang kanilang natatanggap.
Ang $1,500 ng kawawang talent ay napupunta umano sa recruitment agency, talent manager, talent scout at ng Japanese agency.
Pinuna naman ni Liban na dahil sa naturang bulok na sistema ay mababa ang trato sa mga entertainers na Filipino sa Japan kung saan ay iniinsulto at halos hindi na nirerespeto. (Ulat ni Joy Cantos)