Nagkaroon ng kasunduan sina Davide at Datumanong na magsanib ng puwersa upang palakasin ang takbo ng hustisya sa bansa sa pamamagitan ng paglalapit ng kanilang mga programa sa taumbayan.
Nagbabala si Davide na walang paglalagyan sa hudikatura ang mga tiwaling hukom at mahistrado dahil patuloy ang kanilang ginagawang paglilinis kasabay ng panawagan sa publiko na bukas ang kanilang mga tanggapan sa anumang reklamo laban sa mga tiwaling huwes at piskal sa ilalim ng kanilang hanay.
Kaagad din umanong aaksiyunan ni Davide sa lalong madaling panahon ang reklamo sa SC nina DILG Sec. Joey Lina at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director Anselmo Avenido laban kay QC Regional Trial Court (RTC) Branch 224 Judge Emelio Leachon.
Nabatid na inireklamo si Judge Leachon dahil sa ginawa nitong pagpapalaya sa pitong hinihinalang drug traffickers na nagtutulak umano ng dalawang bilyong halaga ng ipinagbabawal na gamot. Sinampahan nila ng kasong gross ignorance of the law si Judge Leachon.
Ayon kay Davide, dadaan sa normal na proseso ang kasong administratibo ni Judge Leachon tulad ng preliminary investigation na isasagawa ng Office of the Court Administrator ng SC. (Ulat ni Gemma Amargo)