Sinabi ni PNP spokesman Senior Supt. Leopoldo Bataoil na inatasan na sila ni DILG Secretary Joey Lina na lansagin ang mga private army at ipasuko ang mga armas ng mga ito na walang kaukulang dokumento.
Kasalukuyang kinikilala na umano nila ngayon kung sinu-sino ang mga politiko na nagtataglay ng mga private army upang pakiusapang tanggalin na ang mga ito habang maaga.
Sinabi pa ng pulisya na nagsagawa na sila ng pakikipag-ugnayan sa mga politiko sa Negros Occidental at Cotabato City na kilalang madugong nagsasagupa ang mga pamilya ng mga politiko kung saan may ilan ang nakipagtulungan na sa kanila at isinuko ang mga baril habang ang iba naman ay tumatanggi pa.
Masusi namang minomonitor ngayon ng pulisya ang naturang puwersa ng mga politiko at patuloy na nakikipagkoordinasyon sa kanila para maiwasan ang mas madugong eleksyon.
Kaugnay nito, kasalukuyang ipinatitigil ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane ang pag-iisyu ng permit to carry at lisensiya sa mga pribadong indibiduwal matapos ang naganap namang pamamaril sa Ateneo Law graduate na si Jose Llamas sa Pasay City.
Nagpahayag pa ang PNP na mas magiging tahimik ang darating na eleksyon dahil sa maaga nilang paghahanda at sa pagpapalabas ng pondo ni Pangulong Arroyo para ma-icomputerize na ang election process. (Ulat ni Danilo Garcia)