Kahit ipakita at ipadama ng pamahalaan ang kanilang taos-pusong pakikipag-usap sa NPA para sa kapayapaan, patuloy pa rin ang pagsasagawa ng rebeldeng grupo ng krimen katulad ng ambush, bombings, panununog, pananakot at pangingikil. Ang pagdedeklara ng NPA ng "all out war" laban sa pamahalaan ay patunay lamang ng isang desperadong aksyon ng mga komunista.
Pursigido ang NPA na ipagpatuloy ang kanilang pakikibaka at isulong ang kanilang bulag na adhikain upang patunayan lamang sa madla na sila ay makapangyarihan.
Kahit anong gawin ng NPA upang pagandahin at pangalagaan ang kanilang imahe, hindi puwedeng kalimutan ng mamamayan ang kanilang mga kasalanan sa lipunan. Hindi sila puwedeng maghugas ng kamay sa mga krimen na kanilang ginawa at ibinibintang sa iba. Patuloy silang uusigin ng kanilang konsensiya kahit saan sila magtago.
Ang hangarin ng NPA na pabagsakin ang pamahalaan at patuloy na linlangin ang mamamayan ay hindi na bago. Ang NPA ay nananatiling mapanganib at traydor na kaaway ng Pilipinas. (Ulat ni Butch Quejada)