Ito ang ibinunyag kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Ret. Brig. Gen. Eduardo Purificacion.
Ayon kay Purificacion, natuklasan ng tropa ng militar na tinuturuang gumamit ng ipinagbabawal na gamot ng mga rebeldeng NPA ang mga bata na nagkakaedad ng walo pataas at mga kabataang 18-anyos pababa.
Inihalimbawa ng opisyal ang insidenteng naganap kamakailan sa isang kuta ng NPA matapos na salakayin ng mga sundalo sa Marihatag, Surigao. Naaktuhan ng militar ang mga batang rebelde na humihitit ng shabu at umiinom ng cough syrup upang tumapang sa pakikipagsagupaan sa tropa ng pamahalaan.
Kinumpirma rin ng mga field commanders ng AFP na karamihan sa mga batang rebeldeng recruits ay pinapagamit ng droga upang mawala ang kanilang takot sakaling mapasabak sa engkuwentro.
Anila, mga batang rebelde na hinihinalang pawang nakadroga ang humarang sa isang military vehicle sanhi ng kanilang pakikipag-engkuwentro kamakailan sa Surigao del Norte.
Bunga nito, nanaig ang awa sa mga sundalo at halos hindi nila magawang makipagbakbakan sa mga batang rebelde.
Gayuman, tiniyak ni Purificacion na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa insureksyon sa bansa dahil sa ang lehitimong estado lamang aniya ng gobyerno ang dapat na maghari. (Ulat ni Joy Cantos)