Tiwali sa private sector pupuntiryahin din

Nagbabala kahapon si Pangulong Arroyo na hindi lang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan ang target ng nilalayon niyang pagpapalakas ng Republika kundi maging ang mga nasa pribadong sektor.

Ayon sa Pangulo, para ganyakin ang pag-unlad ng negosyo kailangang labanan rin ang tiwaling miyembo ng pribadong sektor na hindi nangingiming magbayad ng mga hukom para may layang sirain ang kontrata.

Sinabi ng Pangulo na maglulunsad ang pamahalaan ng isang malawakang pagsugpo sa pandaraya sa negosyo na ang biktima ay ang publiko at gayundin din naman ang kampanyang sasawata sa paghingi ng suhol sa negosyante.

Inatasan din ng Pangulo ang Budget and Management Department na doblehin ang pondo ng Presidential Anti-Graft Commission para may sapat itong kakayahang maisulong ang pag-iimbestiga sa maluhong pamumuhay ng ma tauhan ng gobyerno at sampahan sila ng kaso. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments