Kinilala ng Caraga police ang mga biktimang sina Emilio "Poypoy" Dela Peña, 27 at kapatid nitong si Venerando, 22 na pawang residente ng Purok 1, Barangay Guinabsan, Buenavista, Agusan del Norte.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ang dalawang magkapatid ay pinatay ng mga rebeldeng NPA sa paghihinala na sila ay mga assets ng militar.
Pinaghihinalaan din ng mga NPA na ang magkapatid na Dela Peña ay siyang dahilan sa pagkakaaresto at pagkakapatay ng mga sundalo sa kanilang kasama.
Ang bulubunduking lugar ng Buenavista,Las Nieves at Carmen sa lalawigang ito ay pinaghihinalaang pinagkukutaan ng mga rebelde.
Samantala,dalawang silid aralan sa Barangay Bonga, Castilla,Sorsogon ang natupok ng apoy matapos na sunugin ng mga NPA kamakalawa.
Ayon kay Castilla Municipal Mayor Renato Laurinaria na ang panununog ng mga rebelde sa dalawang silid aralan na gawa sa light materials at ginagamit ng may 100 estudyante ay naganap dakong alas-2 ng madaling araw.
Sinabi pa ni Mayor Laurinaria na kaya sinunog ng mga rebeldeng NPA ang mga silid aralan dahil sa nagalit ito sa balitang maglalagay ng detachment ang militar at Cafgu sa lugar.
Dagdag pa ni Mayor Laurinaria na ang paglalagay ng detachment ng militar at Cafgu ay parte ng kanilang kampanya upang iligtas ang kanyang mga kabababayan sa impluwensiya ng mga rebelde. (Ulat nina Ben Serrano at Ed Casulla)