Kinumpirma ni Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao na siya mismo ang tinawagan ni Alcuaz para ipaabot kay Pangulong Arroyo ang gusto ni Alcuaz.
Kung hindi raw siya, ang gusto niya ay ang kanyang maybahay ang maging general manager ng PCSO na sa kasalukuyan ay bakante matapos italaga sa Overseas Workers Welfare Administration si dating PCSO manager Virgilio Angelo.
Sinabi ni Tiglao na naipaabot na niya sa Presidente ang pasabi ni Alcuaz at kasalukuyang pinag-aaralan pa kung puwedeng mabigyan ng pabor si Alcuaz.
Ang pahayag ay ginawa ni Tiglao bilang tugon sa patuloy na paghahayag ni Alcuaz ng umanoy mga maanomalyang transaksiyon sa gobyerno na dapat aksiyunan ng Malacañang.
Kung mayroon anyang mga reklamo si Alcuaz dapat niya itong ipaabot nang personal sa Pangulo at hindi sa media para sa kanyang sariling propaganda gimik.
Si Alcuaz ang siyang naglunsad noong 2000 ng kilusan para sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Estrada sa pamamagitan ng simbolo nitong exclamation point (!). (Ulat ni Lilia Tolentino)