P0.96 sentimos taas sa presyo ng langis sa Enero

Kasunod ng pagsalubong sa Bagong Taon sa 2003, napipinto na namang ipatupad ng mga higanteng kompanya ng langis sa bansa ang pagtataas ng presyo ng langis sa P.96 sentimos kada litro sa buwan ng Enero.

Ito’y matapos ang dalawang beses na rollback sa presyo ng langis nitong nakalipas na buwan ng Nobyembre sa P.25 sentimos at P.40 sentimos naman nitong unang linggo ng kasalukuyang buwan.

Dahil dito, nagbabadya na naman ang paglulunsad ng malawakang kilos protesta ng mga transport group sa bansa.

Nabatid na ang sanhi ng panibagong pagtataas ng presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo ng mga higanteng kompanya nito ay bunsod ng patuloy na pag-atake ng Estados Unidos sa Iraq, kawalan ng supply ng langis sa Venezuela na siyang pinakamalaking oil producer ng OPEC at unti-unti na namang pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.

Bukod dito ay nakaapekto rin sa oil price hike ang implementasyon ng Clean Air Act na epektibo naman sa Enero 2003 kung saan rerebisahing mabuti ang langis upang hindi ito maging mausok kapag ginamit na ng mga behikulo.

Ang Clean and Air Act na magkasanib na proyekto ng Department of Transportations (DOTC) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay naglalayong linisin sa maruruming usok na ibinubuga ng mga sasakyan ang kapaligiran.

Sa isang phone interview, sinabi ni Pilipinas Shell vice president for corporate affairs Bobby Kanapi na nitong Disyembre ay umaabot na sa mahigit $25 kada bariles ang presyo ng krudo kumpara naman sa presyo nito noong Nobyembre na $23.30 kung saan ay $2 na ang itinaas kaya malaki ang hatak nito para sa oil price adjustments.

Bagaman ang komputasyon ng ibang oil companies ay P.96 sentimos ang magiging pagtaas sa presyo ng langis, nilinaw naman ni Kanapi na magkakaroon muna ng ebalwasyon ang kanilang kumpanya ukol dito bago ipatupad ang oil price hike.

Kaugnay nito, ang pahayag ng mga oil companies na magtaas ng presyo ng langis sa susunod na taon ay taliwas naman sa nauna nang isiniwalat ng grupong Consumer Oil Price Watch ni chairman Raul Concepcion na magkakaroon pa ng ikatlong rollback dahilan sa mababang presyo ng langis na umano’y nasa P.50 sentimo. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments