Ayon sa isang source, sasakay ng PAL flight si Jimenez at kanyang pamilya sa gabi ng Disyembre 26.
Pinabulaanan ni Jimenez ang mga naglabasang balita noong Linggo na nais pa niyang manatili sa bansa hanggang Enero 2, 2003.
Ang sinabi umano niya sa mga mamamahayag na nagtungo sa kanyang tahanan noong Sabado ay "wish" lamang niya na sa Enero 2 pa siya aalis subalit wala siyang balak suwayin ang utos ng korte.
Sinabi pa ni Jimenez na nakaimpake na lahat ang mga dadalhin nila sa Amerika at walang dahilan upang hindi matuloy ang pag-alis niya sa Huwebes.
Muli nitong ipinahayag ang sentimiyento niya sa administrasyong Arroyo na masyado umanong minamadali ang pagpapalayas sa kanya.
Sinabi naman ni Speaker Jose de Venecia na ituloy man o hindi ni Jimenez ang pag-alis ay wala na ito sa pananagutan ng Kongreso.
Hanggang Disyembre 26 lamang umano ang ibinigay nilang seguridad kay Jimenez bagaman at mananatili pa rin itong kinatawan ng 6th district ng Maynila kahit wala na ito sa Pilipinas. (Ulat ni Malou Escudero)