Napag-alamang sa kabila ng desisyon ni acting Ombudsman Margarito Gervacio Jr. noong nakaraang Sept. 12 na nag-utos sa Customs Commissioner na tanggalin sa serbisyo si Virgilio M. Danao bilang director ng Enforcement and Security Services ay kapit-tuko pa rin umano ang huli sa kanyang puwesto.
"Sana ay aksyunan ni Pangulong Arroyo itong kaso ni Danao. Nagkaroon ng demoralisasyon ang mga kawani at mga broker sa pananatili ni Danao sa kanyang puwesto," pahayag ng ilang kawani ng Customs.
Batay sa court record, noon pang Sept. 26, 2001 nagkaroon ng desisyon ang Administrative Abjudication Bureau ng Office of the Ombudsman na sibakin si Danao sa kanyang puwesto dahil sa napatunayang nagkasala ng dishonesty batay sa reklamong inihain ng mga empleyadong sina Roseller Rojas at George Agregado.
Ayon sa sources, pineke umano ni Danao ang kanyang scholastic records at pinalabas na siya ay college graduate samantalang high school lang diumano ang kanyang natapos.
Ibinasura naman ang inihaing motion for reconsideration ni Danao noong nakaraang Feb. 27 at noong Sept. 12 ay inatasan ni Gervacio ang Customs commissioner na sibakin sa serbisyo si Danao.
Hindi naman mahingan ng kanyang panig si Danao at hindi ito nagpapakita sa kanyang tanggapan bagamat tuloy pa rin ang kanyang pananatili sa puwesto. (Ulat ni Andi Garcia)