SSS bangkarote 'pag tinuloy ang increase sa premium

Tinutulan ng dalawang senador ang plano ng Social Security System (SSS) na taasan ang buwanang premium ng mga miyembro sa susunod na taon.

Ayon kina Senators Tessie Aquino-Oreta at Manuel Villar, dapat humanap ng ibang pagkukunan ng pondo ang SSS at hindi sa 28 milyon nilang miyembro.

Iniulat na si Finance Secretary Jose Isidro Camacho ang nagrekomenda para taasan ang monthly contribution ng SSS members upang maputol ang pagliit ng reserve fund ng nasabing tanggapan.

Sinasabing kung hindi tataasan ang monthly contribution ng SSS members at patuloy na bawasan ang reserve fund, ilang taon lamang ang hihintayin at magiging bangkarote na umano ang SSS.

Iginiit naman ni Villar, chairman ng Senate committee on finance, na kailangang magpaliwanag ang mga opisyales ng SSS kung ano ang kanilang pinagkakagastusan at nalugi ang tanggapan ngayong taon. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments