Sa pahayag ni Major Johnny Macanas, spokesman ng Army division sa report mula sa Caraga Police, umatake ang mga rebelde dakong alas-7:30 ng umaga. Pinaulanan ng bala ang mga bahay at pagkatapos ay niransak. Lima sa napatay ay mga residente.
Bago nagsitakas ay sinunog ng mga rebelde ang mga kabahayan saka tinangay ang 22 katao at mga hayop.
Sa kanilang pagtakas, isang Cafgu ang nadaanan nilang naglalakad at kanila ring pinagbabaril at napatay.
Samantala, apat sa 22 bihag ang nakatakas at siyang nagreport sa pulisya tungkol sa naturang pag-atake.
Nabatid sa report na kabilang sa pinatay ay apat na magkakapatid na lalaki at karamihan sa mga binihag ay dating NPA rebels na nagbalik-loob na sa pamahalaan.
Ipinapalagay na ang pagsalakay ay ganti ng NPA sa pagsuko ng kanilang mga dating kasamahan. Demoralisado na umano ang hanay ng mga rebelde dahil sa uunti-unting pagkaubos ng kanilang mga kasapi.
Inutusan na ni Mindanao military commander Lt. Gen. Narciso Abaya na tugisin ang mga rebelde at iligtas ang mga hostages. (Ulat ni Ben Serrano)