Ayon sa report ng PAF, namatay ang pilotong si Capt. Ramon Vincent Ong at ang co-pilot na si Delfin Francisco sanhi ng pagkasunog matapos bumangga ang sinasakyang SF-260 turbo propeller Marqueti plane sa quality control room ng Ebiden Phils., Inc. building, isang computer factory na nasa loob ng First Philippine Industrial Park sa Barangay Anatacia, Sto. Tomas.
Namatay din ang factory worker na si Reynante Bautista.
Samantala isa sa 10 sugatan na nakilalang si Nestor Pribado, trabahador din sa naturang pabrika, ang nasa kritikal na kondisyon dahil sa tinamong second degree burn.
Nabatid mula kay Col. Jose Angel Honrado, public information officer ng PAF, galing umano sa Sangley Point, Cavite ang eroplano patungong Batangas dakong alas-10:15 kahapon ng umaga habang nasa himpapawid at nagsasanay para sa isang proficiency flight ang mga piloto ng biglang magka-trouble ang makina nito.
Tinangkang mag-crash landing ang eroplano pero biglang bumulusok paibaba hanggang sa tuluyang sumalpok sa gusali ng factory.
Kaagad umanong nagliyab ang eroplano na naging sanhi ng pagkamatay ng dalawang piloto. Namatay naman ang sibilyan matapos masunog rin ang gusali.
Kaagad namang nakontrol ang apoy sanhi ng mabilis na pagresponde ng mga pulis at mga residente.
Samantala isinugod ang mga sugatan sa St. Francis Cabrini Hospital sa Sto. Tomas na kinilalang sina Teresa Molinyawe, Shirlyn de Castro, Alicia Rey, Norman Arabit, Hermie Carandang, Rose Calandanan, Janet Tibagan at Randolf Getonzo. Isa pang sugatan ang hindi nakilala.
Kaugnay nito, inamin naman ni AFP spokesman Brig. Gen. Eduardo Purificacion na sobrang luma na ng SF-260 plane at posibleng mechanical problem ang naging sanhi ng pagbagsak nito.
Mula noong 1945 o panahon pa ng World War II ang naturang eroplano at may edad na 57.(Ulat nina Butch Quejada,Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)