Dumating kahapon as PNP Crime Laboratory si Rosebud habang isinasailalim sa awtopsiya si Campos at inihayag na planado umano ang naturang pagpatay dahil sa nais nang bumaligtad nito sa kanya at isiwalat ang lahat ng kanyang mga iligal na aktibidades partikular na sa droga.
Sinabi ni Ong na may dokumento siya tungkol sa "plan B" ng plano ni Lacson.
Ang operasyon na tinawag na Oplan Pearl of the Orient ay dapat isinagawa noong Oktubre 21 para hiyain ang administrasyong Arroyo.
Agad naman itong pinabulaanan ni Lacson sa kahiwalay na panayam at tinawag na "rurok ng kawalanghiyaan" ang bintang ni Rosebud dahil ginagamit sa pamumulitika pati ang taong "dati niyang minahal" na tumutukoy kay Campos.
Sinabi ni Ong na wala umano siyang ibang maisip na posibleng magpapapatay kay Campos bukod kay Lacson dahil kilala umano niya ang ugali ng senador na walang konsensiya na magpapatay ng tao para hindi na makapagsalita.
Alas-2 pasado kahapon ng madaling araw ng pagbabarilin ng tatlo hanggang apat na armadong lalaki si Campos, 36, residente ng Sarmiento Ave., Better Living subdivision habang kumakain ng bulalo sa Tita Ghems Pares Food Haus sa Doña Soledad Ave., Brgy. Don Bosco, Parañaque.
Samantala ang kahera ng nasabing restoran na kinilalang si Emily Dumlao, 28, ay namatay habang ginagamot sa South Superhighway Medical Center matapos tamaan ng ligaw na bala.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng Parañaque police na kasama ni Campos ang isang Antonio Cabanban na upper class niya sa Philippine Military Academy (PMA) ng biglang sumulpot ang mga suspek at paulanan ng bala si Campos.
Agad na ikinamatay ng opisyal ang tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril. Hindi rin umano nagawa ni Campos na makabunot ng baril dahil ang tama nito ay pawang sa likod ng ulo at katawan na senyales na patraydor itong binanatan.
Nakarekober ng pitong bala ng M-16 rifle at mga basyo ng hindi pa malamang kalibre ng baril.
Kasalukuyan namang nasa kustodya ng pulisya si Cabanban na iniimbestigahan hinggil sa ambush.
Isang malawakang manhunt na ang inutos ng NCRPO at lahat ng law enforcement agencies ay inatasan na makipagtulungan sa Parañaque police.
Tiniyak naman ng National Bureau of Investigation na masusing iimbestigahan ang hinggil sa alegasyon ni Rosebud na si Lacson ang nagpapatay kay Campos.
Kaugnay nito, nanawagan kahapon ang Senado sa PNP na gamitin nito ang lahat ng kanilang resources upang malutas ang ginawang pamamaslang kay Supt. Campos.
Sinabi ni Senator Rodolfo Biazon na ang ginawang pamamaslang kay Campos ay hindi dapat mahanay lamang sa mga unsolve cases ng pulisya.
Si Campos ay miyembro ng PMA Class 87 at naka-assign sa Police Regional Office 4 at dating instructor ng Philippine National Police Academy (PNPA). Naging tauhan din ito ni Sen. Lacson mula 1989-1991 sa Cebu Metrodiscom.
Kasama si Campos sa inakusahan ni Rosebud na kasa mang nag-ooperate umano ni Lacson sa kidnap-for-ransom syndicate at Hong Kong Triad.(Ulat nina Danilo Garcia,Lordeth Bonilla, Grace dela Cruz at Doris Franche)