Ito ang inihayag kahapon ni Commission on Human rights (CHR) Chairperson Purificacion Quisumbing base sa istadistika na nairekord ng kaniyang tanggapan kaugnay na rin sa pagdiriwang ng National Human Rights Week na inumpisahan nitong Disyembre 3 hanggang 10 sa taong ito.
Sa ginanap na regular na forum kahapon sa Citio Fernandina sa Greenhills, San Juan, sinabi ni Quisumbing na karamihan umano sa mga paglabag na kinasangkutan ng PNP ay mula sa illegal detention, pag-aresto na walang warrant, torture at iba pa.
Nabatid na nakapagtala ang PNP ng 183 insidente ng paglabag sa karapatang pantao mula Enero hanggang sa kasalukuyang buwan ng taong ito.
Pumapangalawa naman ang mga lokal na opisyal laban sa kanilang mga empleyado sa bilang na 60 at pangatlo ang mga sibilyan sa naitalang bilang na 57.
Pang-apat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa rekord na 53 na halos ang mga kaso ay katulad rin ng mga paglabag na kinasangkutan ng pulisya.
Tinukoy ni Quisumbing na partikular na nasangkot sa paglabag sa karapatang pantao ang militar sa Mindanao na sentro ng operasyon ng tropang gobyerno laban sa mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG).
Sa kabila naman ng pagkakatala ng Estados Unidos bilang ika-34 Foreign Terrorist Organization (FTO) sa mga komunistang New Peoples Army (NPA) ay anim na insidente lamang ang naitalagang paglabag ng naturang rebeldeng grupo.(Ulat ni Joy Cantos)