Isang memorandum of agreement sa pagitan ng Pag-IBIG at DOLE sa ilalim ng OFW Kabayanihan Program ni Pangulong Arroyo ang ipinalabas na may layuning matulungan ang mga OFWs na makapagpundar ng sariling bahay sa mababang halaga. Ang programa ay isa sa mga priority ni First Gentleman.
Kasabay nito, kinilala ng First Gentleman ang kabayanihan ng mga OFWS na anya ay nagsakripisyong mapalayo sa pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa. Malaki anya ang naitutulong ng mga tinaguriang "modernong bayani" sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng kanilang mga dollar remittances. Dahil sa kanila, tinanggap niyang pamunuan ang OFW Kabayanihan Program ng Pangulo.
Kabilang sa mga magiging proyekto ng First Gentleman ang Medicare program sa ilalim ng health maintenance services ng OWWA. Dito mabibigyan ng benepisyong pangkalusugan ang mga OFWs at ang kanilang pamilya.
Isasakatuparan din ang pagkakaroon ng reintegration at retraining sa mga OFWs at bibigyan sila ng electronic identification card o E-card na maaring gamiting credit card, automated teller machine (ATM) para sa mga Philippine commercial banks at discount card sa duty-free shops.
Hindi na pipila ang mga OFWs na E-card holders sa POEA upang makakuha ng overseas employment certificate para sa kanilang exemption sa pagbabayad ng travel tax at airport terminal fee dahil ang E-card na ang kanilang magiging ultimate ID.
Naniniwala si Pangulong Arroyo na sa pamamagitan ng First Gentleman ay lubos na maitataguyod ang kapakanan ng mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat. (Ulat ni Lilia Tolentino)