Kaya nagpalit ng pangalan: MJ tumakas sa unang asawa!

Hindi lamang umano sa Amerika tumakas si Manila Rep. Mark Jimenez kundi maging sa una nitong asawa kaya nito pinalitan ang kanyang dating pangalan na Mario Crespo.

Mismong si Jimenez ang nagpahayag sa nakaraang forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) na ayaw niyang masundan nang hiniwalayang unang asawa kaya nagpalit siya ng pangalan at gumamit ng alyas.

Ginawa niya umano ito makaraang magdesisyon ang kanyang pitong anak na sumama sa kanya.

Kailangan umano ito upang maprotektahan ang kanyang mga anak mula sa asawa sa hindi naman binanggit na dahilan.

Sa kasalukuyan ay 11 na ang anak ni Jimenez makaraang magkaanak pa ng apat sa kasalukuyang maybahay na si Carol.

Pinabulaanan ni Jimenez na binago niya ang kanyang pangalan upang matakasan ang mga dating kasong kinakaharap sa bansa.

Napaulat na may mga kasong estafa, fake passport at child abuse si Jimenez maliban pa sa illegal campaign contributions at tax evasion sa Amerika. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments