Sa isang talumpati sa pagdiriwang kahapon ng National Heroes Day, sinabi ng Pangulo na maghaharap siya ng panukalang batas sa Kongreso para sa PEA abolition kasabay ng pahayag na naiharap na ng kanyang tanggapan sa Ombudsman ang mga sangkot sa pinakahuling anomalya para masampahan ng kaso ang lahat na opisyal kabilang na ang PEA Board.
"I had accepted the resignation of all the current members of the PEA Board including the general managers, the assistant general manager and the senior corporate attorneys," anang Pangulo.
Ang lahat anyang ari-arian ng ahensiya ay ililipat sa kinauukulang mga tanggapan na siyang magsusuri kung napangalagaan ang mga ito ng mga opisyal ng PEA.
Kabilang din sa kakasuhan ang mga sangkot sa PEA-Amari land deal na tinagurian noon ni dating senador Ernesto Maceda na "grandmother of all scams." (Ulat ni Lilia Tolentino)