Sa ipinalabas na dalawang pahinang administrative circular no.62-2002 ng SC en banc ni Chief Justice Hilario Davide Jr., inatasan nito ang lahat ng hukuman sa bansa na magsumite ng lahat ng kanilang mga ipinalabas na TROs o writ of preliminary injunction
Binigyan ng taning ng SC ng hanggang Enero 15, 2003 ang pagsusumite ng kanilang report upang agad na mabusisi kung nakakaduda ang madalas na pagpapalabas ng TRO ng isang hukom at ang posible na ring pagbebenta nito ng kaso.
Partikular namang tinukoy ng SC na dapat isumite ng mga mahistrado ang lahat ng TRO na kanilang ipinalabas para pigilan ang proyekto ng gobyerno o mga kasong patungkol sa mga pautang ng mga bangko.
Inatasan din ng SC ang mga hukom na isama ang lahat ng title at uri ng mga kaso at status ng mga TROs hanggang sa kasalukuyan.
Nais din umanong malaman ng SC na mabigyan ng linaw kung bakit mayroong ilang hukom na mabagal umaksiyon sa mga kasong kinakailangang magpalabas ng TRO.
Inatasan din ng SC si Court Administrator Presbitero Velasco na tiyakin na masusunod ang kanilang ipinalabas na kautusan sa lahat ng hukom ng bansa. (Ulat ni Gemma Amargo)