2 piloto ng flight 585 pinanood lang ang mga pasahero

Pinanonood lamang umano ng dalawang piloto habang nagkakanya-kanyang ligtas sa kanilang mga sarili ang mga pasahero ng bumagsak na Flight 585 Fokker plane ng Laoag International Airlines noong nakalipas na Nobyembre 11 sa Manila Bay.

Sa naging testimonya kahapon ni Marane Poncio ng Batanes, isa sa mga survivors, tahasan nitong sinabi sa harap ng independent fact-finding committee ng Department of Transportations and Communications na nakaupo lamang umano sa pakpak ng eroplano ang mga pilotong sina Capt. Bernie Crisostomo at 1st Officer Joseph Gardiner kasama ang chief mechanic na si Josefino Vinluan habang nagkakagulo ang mga biktima.

"Yung dalawa pong nakaputi (piloto) tsaka yung isa pang nakauniporme rin ay nanonood lang sa amin," ani Poncio.

Sinabi ni Poncio sa 5-man team na inakala umano niyang magre-refuel lamang ang eroplano matapos itong huminto sa himpapawid ilang minuto pagka-takeoff sa Manila Domestic Airport.

"Bigla ko kaming huminto sa mid-air, slow motion na ho yung propeller nakita ko dahil sa tabi ako ng bintana nakaupo na hangin na lang ang nagpapagalaw dito," pahayag pa ni Poncio.

Hinihintay niya umanong mag-announce ng emergency landing ang mga piloto ng eroplano subalit nag-uumpisa pa lang ay bigla na itong bumulusok sa karagatan.

Nawalan umano siya ng ulirat at ng mahimasmasan ay tubig na ang sumalubong sa kanya kaya agad niyang tinanggal ang kanyang seat belt at dumaan sa nakabukas na exit sa may pakpak malapit sa kanyang kinauupuan.

Hindi umano siya marunong lumangoy at nangunyapit siya sa bakal ng eroplano hanggang sa sagipin ng isang Australian national at dalhin sa may pakpak.

Si Poncio ay tinulungan rin ng flight steward na si Adhika Espinosa na siya umanong nakita niyang tumutulong sa pagsagip sa mga biktima habang nanonood lamang ang tatlong nabanggit bago pa man tuluyang lumubog ang eroplano at daluhan sila ng mga mangingisda dito.

Sinabi pa nito na wala rin siyang nakitang apoy mula sa eroplano o anumang leak na maaring maging sanhi ng pagbagsak nito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments